Thursday, February 25, 2010

Listahan ng NPA sa mga politiko sa Catanduanes na kokotongan sa halalan, inilabas ng AFP

LEGAZPI CITY - Inilabas ngayon ng AFP ang pangalan ng mga politiko at halaga ng permit to campaign fees na hinihingi ng New People's Army (NPA) sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa dokumentong na-recover ng tropa ng militar sa Caramoran matapos ang sagupaan ng dalawang panig, hawak ngayon ng AFP Bicol ang pangalan ng mga politiko simula sa pinakamataas na posisyon ng gobernador pababa sa mayors, vice-mayors at councilors.

Ayon kay Col. Romeo Ayson ng AFP Bicol, partikular na nakasaad sa datos na pagmamay-ari ng mga rebelde ang mga halal na politiko sa bayan ng Pandan, Caramoran, San Andres at Virac ng naturang lalawigan.

Umaabot sa kalahating milyong piso ang pinakamataas na permit to campaign fees na hinihingi ng NPA mula sa mga opisyal, habang ang pinakamababa naman ay nasa P20,000.

Kaugnay nito, ipadadala sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga narekober para makapagsagawa ng kaukulang aksyon.

4 patay, kabilang ang nadamay na bata sa engkwentro ng militar at NPA

BUTUAN CITY - Patuloy pang kinikilala ng mga sundalo ang identity ng apat na nasawi sa nangyaring engkwentro kahapon ng hapon sa pagitan ng mga New People's Army (NPA) at tropa ng gobyerno sa Brgy. La Fortuna, bayan ng Veruela, Agusan del Sur.

Napag-alamang pauwi na sana ang mga sundalo matapos ang ginawang dayalogo sa mga residente ng nasabing barangay ng kanilang makasalubong ang mga rebelde na naging dahilan ng ilang minutong labanan.

Sa inisyal na report, kasama umano sa mga nasawi ang isang siyam na taong gulang na bata na natamaan ng ligaw na bala.

Patuloy pa ngayon ang ginawang hot pursuit operation ng militar sa tumakas na mga rebelde.

Failure of elections sa Mayo, hindi mangyayari

Iginiit ng election lawyer ni Pangulong Gloria Arroyo na hindi dapat maniwala sa mga nagsasabing magkakaroon ng failure of elections sa darating na Mayo.

Sinabi ni Atty. Romulo Macalintal na ang mga nananakot sa eleksyon ay hindi lamang nakakaunawa sa ibig sabihin ng failure of elections.

Ayon kay Macalintal, mangyayari lamang ang nasabing senaryo kung walang boboto sa halalan, walang magagamit na balota o kaya magkaroon ng terorismo at pagpapatayin umano ang lahat ng board of election inspectors.

Kung sinasabing 30 percent umano sa mga automation machines ay sasablay, ibig sabihin, mas mabilis na tayo ng 70 percent kumpara sa mano-manong halalan.

Pinayuhan ni Macalintal ang mga botante na huwag maniwala at huwag bomoto sa mga kandidatong nananakot ng failure of elections dahil nagsisinungaling sila o kaya hindi alam ang ginagawa.

Aktibidad para sa 24th Edsa celebration

Pinagunahan ngayong araw ng Pangulong Gloria Arroyo ang huling yugto sa paggunita ng ika-24 na taong anibersaryo ng 1986 People Power Revolution.

Ngayong umaga ay isang flag raising ceremony ang ginawa sa People Power Monument sa kahabaan ng Edsa, gayundin sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City na sinundan ng pag-aalay ng malaking korona na kulay puting orchids sa tinatawag na Tomb of the Unknown Soldier.

Nagkaroon din ng simultaneous flag raising ceremonies sa Baguio, Cebu, Davao at Bacolod.

Matapos nito, isang misa naman ang idinaos sa Edsa Shrine bago magtanghali na pangungunahan ni Bishop Bernardino Cortez, ang Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Manila.

Dahil sa mga nakahanay na aktibidad ngayong araw, alas singko ng umaga pa lamang ay sarado na ang north bound lane ng Edsa.

Kahapon ay muling inulit ang makasaysayang "salubungan" ng militar at sibilyan sa Edsa na dinaluhan nina dating Pangulong Fidel Ramos at Executive Secretary Eduardo Ermita.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1224 na nilagdaan ng Pangulong Arroyo noong January 2007, idinideklara na "EDSA People Power Commemoration Week" ang Pebrero 22-25, bilang pag-alala at pagbibigay pugay ng sambayanan sa makasaysayan at mapayapang 1986 People Power Revolution.

AFP chief Gen. Ibrado, may 'short list' ng gustong ipalit sa puwesto

Mayroon na umanong tatlong pangalan na inirekomenda si Armed Forces chief of staff Gen. Victor Ibrado na posibleng papalit sa kaniya sa puwesto sa harap ng kaniyang nalalapit na pagretiro sa March 10.

Ayon kay Ibrado, bagama't maraming mga military generals ang kwalipikado para pamunuan ang 120,000-strong military force, mayroon na umano siyang mga pangalan na napili bilang kaniyang posibleng kapalit.

Partikular umano na binigyang bigat ng heneral sa kaniyang short list ay seniority.

683,502 baril, narekober sa ilalim ng gun amnesty program - PNP

Umakyat na sa kabuuang 683,502 loose firearms ang narekober ng Philippine National Police mula sa tinatayang 1.1 million na bilang ng mga hindi lisensyadong baril sa bansa.

Maliban dito, lumabas din sa report ng PNP Civil Security Group na kabuuang 59,221 loose firearms na ang kanilang nabigyan ng lisensya sa ilalim ng gun amnesty program habang 201,989 ang naghain ng renewal ng lisensya.


Wednesday, February 24, 2010

Malakanyang hiningi sa NDF na ipagpatuloy ang peace talks

Manila (17 February) -- Hiniling ng Palasyo sa National Democratic Front-Philippines (NDFP) na pag-isipang muli ang balak nito na huwag nang ituloy ang peace talks sa administrasyong Arroyo.

Inihayag ni Deputy Presidential Spokeperson Charito Planas na dapat isaalang-alang ng NDFP ang posisyon nito upang mabigyan ng pagkakataon na maipagpatuloy ang nasimulang usapang pangkapayapaan.

Ani Fidel Agcaoli, chairman ng NDF-Philippines human rights committee, na inabandona ng ng communist-led NDF ang ideya ng pagpapanday ng katahimikan kasama ang administrasyong Arroyo.

Nitong linggo, sinabi ni Defense Secretary Norberto Gonzales na pinag-aaralan ng pamahalaan ang pakikipag-usap sa NDFP bunsod sa balitang hindi na si Jose Maria Sison ang namumuno sa Communist Party of the Philippines.

Noong August 2004 pa ang huling pag-uusap ng pamahalaan at NDF.

"Morong 43", hindi inabuso - Gen. Segovia

Mariing itinanggi ng pamunuan ng Philippine Army (PA) na inabuso ng militar ang ilang babae mula sa inarestong 43 health workers sa Morong, Rizal.

Tahasang sinabi ni 2nd Division Philippine Army (PA) commander, Maj. Gen. Jorge Segovia, na inaasahan na nila ang pag-lalabas ng ibat-ibang black propaganda ng mga NPA matapos ang matagumpay nilang pag-aresto sa tinaguriang "Morong 43".
Iginiit pa ni Segovia na ilang independent body na ang nag-imbestiga kabilang na ang Commission on Human Rights (CHR) ay wala umanong nakitang pang-aabuso ang militar laban sa mga inarestong pinaghihinalaang rebelde.

Ang 43 health workers ay inaresto sa isang operasyon noong Pebrero 6 sa Morong, Rizal dahil sa intelligence report na mga miyembro ang mga ito ng NPA.

Sinabi ni AFP Spokesman Lt. Col. Romeo Brawner, nakatanggap sila ng impormasyong itatakas umano ng kanilang kasamahang NPA ang mga suspek mula sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.

Ayon pa kay Brawner, ilan na sa grupo ang umaming miyembro sila ng NPA at handang magiging state witness sa kaso.

Pinabulaanan naman ni Jane Balleta, 27 anyos at isa sa mga ina¬¬resto, ang naunang pahayag ng ina nitong si Ofelia Beltran-Balleta na siya diumano ay minolestiya ng ilang miyembro ng militar.

Kusang loob namang nagpa-interview sa mga mamamahayag si Balleta.
Ayon kay Balleta, hindi totoong minolestiya siya ng militar at siya ay maayos na trinato ng mga ito.

Buluntaryo namang nagpahayag ang isa sa mga naaresto na nagpakilalang Valentino Paulino @Beloy na siya ay miembro ng NPA

Kinilala rin ni Insp Rex Cuntapay PNP ang 2 babaeng sina Linda Otanez at Pearl Irene Martinez ng morong 43 na kabilang sa gropo ng NPA na umambush sa kanila noong Jan 3,2009 na ikinamatay ni SPO1 Erickson Aquino at siyang nag-abduct sa kanya at 2 pang pulis sa loob ng 83 araw.

Sinabi naman ni Court of Appeals (CA), Assistant Solicitor General Renan Ramos na ang pagkakaaresto at pagkadetene ng 43 ay legal, dahil sa aktwal na pagkakahuli ng mga baril at mga gamit pampasabog sa kanilang posisyon.

Monday, February 22, 2010

Halaga ng perang mula sa ekstorsyon ng rebeldeng NPA, umabot sa 135M piso

Humigit sa 136 milyong piso ang halagang nakamkam ng mga kumunistang rebeldeng NPA mula sa kanilang gawaing ekstorsyon noong nagdaang taon sa pagpapaigting ng kanilang mithiing malabanan ang plano ng pamahalaang wakasan ang insurhensiya sa darating na Hunyo ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Base sa statistika na mula sa AFP, ito ay nagpapakita ng bilang para lamang sa taong 2009 na dumoble ang nakalap na halaga ng mga rebelde kung ikukumpara sa taong 2008.

Ito rin umano ay mas mataas kung ikukumpara sa paunang pagtataya ng mga kasundaluhan na 70 milyon lamang para sa nagdaang taon.

Ayon kay sa tagapagsalita ng AFP na si Lt. Col. Romeo Brawner, ang mga rebelde ay naging agresibo na sa kanilang gawaing ekstorsyon. Layunin nito na paigtingin ang kanilang mga pwersa upang mapigilan ang pamahalaan na mapagtagumpayan nito ang kanilang mithiing mawalis ang insurhensya sa darating na Hunyo.

Dagdag pa ni Brawner na ang malaki umanong pinagkukunan ng salapi ng mga naturang rebelde noong nagdaang taon ay ang mga establisyementong pangkomersyo at pangkalakalan na umabot sa mahigit sa P42.41 milyong piso ang halagang nakulekta dito na pinangalawan ng mga logging concessionaires at pribadong indibidwal na umabot naman sa halagang P28.72 milyon at 12.53 milyon sa mga ito.

Gayon din naman umano ang mga mining companies na nakapagbigay ng P9.07 milyong piso samantalang ang mga agri-business at may-ari ng mga fishponds ay nalikuman din ng P9.05 milyong piso.

Nagawa rin ng mga rebeldeng ito na makakalap ng pondo mula sa mga construction companies at mga contractors na umabot sa P7.84 milyong piso at sa mga legal na institusyon na umabot sa P7 milyong piso.

Hindi rin umano pinatawad ng mga rebeldeng ito ang mga sector ng mga mamamasada na umabot pa sa P4.2 milyong piso samantalang ang galing naman sa mga ka-alyadong grupo at sa suportang galing sa ibayong dagat ay umabot sa P3.68 at P2.9 milyong piso bawat isa.

Ang ibang pinagkukunan din umano ng pinansyal na pondo ng partido ay ang mga regular na binabayaran ng mga kasapi ng kumunistang pagkilas na aabot sa P2.65 milyong piso, mga pulitiko na tintayang naghahalaga sa P2.62 milyong piso, mga telecommunication companies na naghahalaga sa P1.88 milyong piso, quarry operators na may halagang P1.05 million), ang internal revenue allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan na aabot din sa P1 milyong piso at sa mga multinational companies na nagkakahalaga sa P38,759 milyong piso.

Base sa lokasyon, ang Northern Luzon Command ay nasasabi na ang pondong nai-raised sa kanilang area of jurisdiction ay umabot sa P25.95 milyong piso noong nagdaang taon.

Ang Southern Luzon Command at ang Western Command ay nagpaulat naman ng halagang P25.08 milyon piso at P700, 000 sa kanilang mga nasasakupan.

Sa lugar naman ng Central Command ay umabot sa P44.48 milyong piso samantalang sa Western Mindanao Command at Eastern Mindanao Command ay nagtala ng halagang umabot sa P700, 000 piso at P39.78 milyon sa bawat area of responsibility nila.

Ayon pa sa AFP na dahil ngayong taon ay panahon ng eleksyon, ang pondong magiging bunga ng ekstorsyon ng mga rebelde ay maaring umabot sa P150 milyong piso.

Sinabi pa rin ni Brawner na patuloy pa rin ang mga kasundaluhan sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng pinunong lokal upang mahadlangan ang gma gawaing ekstorsyon ng mga rebelde.

Nanawagan din siya sa mga nangangalakal, mga pulitiko at may mga indibidwal na nagkakamal ng malalaking halaga ng salapi na huwag magbigay ng suportang pinansyal sa mga rebelde at ipagbigay alam din sa kinauukulan kung sakaling may alam sila sa gawaing ekstorsyon sa kanilang lugar.

Ayon sa AFP, mayroong na lamang 4,700 bilang ang mga kumunistang rebelde sa bansa at ang pamahalaan ay nagbigay ng palugit na tapusin ang insurhensiya sa bansa sa huling araw ng buwan ng Hunyo sa taong ito.

Friday, February 19, 2010

Magsasaka, Patay sa teroristang NPA

Isang inosenteng magsasaka ang pinatay ng mga kasapi ng teroristang New People’s Army (NPA) sa Brgy. Sta. Cruz, Matuguinao, Samar dakong ala-una ng hapon kahapon.

Ang biktima na nakilalang si Arman Diaz nasa hustong gulang na naninirahan sa barangay Maduroto ng nabanggit na bayan ay pinatay gamit ang matataas na kalibre ng baril ng limang hindi nakilalang mga kasapi ng rebeldeng grupong NPA sa lugar mismo kung saan siya nagsasaka. Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalang naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ng 34th Infantry Battalion, ang biktima ay walang awang pinaslang sa harapan mismo ng kaniyang asawa’t mga anak. Hindi pa umano nakuntento, kinaladkad ang naturang bangkay at dinala sa gitna ng plaza ng barangay at ipinakita sa karamihan ng mga tao. Ang naturang biktima ay kilala umano bilang tahimik at masipag na kabarangay na walang ibang inisip kundi itaguyod ang kaniyang pamilya.

Ang mamamayan ng Matuguinao lalo na ang mga naulila ng biktima ay nananawagan sa mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao lalo na sa Katungod Sinirangang Bisayas na bigyan ng kaukulang aksyon ang walang habas, maka-walang Diyos at karumadumal na pagpatay ng naturang mga terorista. Nananawagan din sila sa Katungod Sinirangang Bisayas na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa naturang insidente upang mabigyan ng agarang hustisya ang naturang pagpatay.

Ayon sa pamunuan ng 34IB, ito umano ay malinaw na pruweba ng mga karumaldumal na gawain ng mga teroristang NPA at paglabag sa karapatang pantao. Ayon pa sa kanila, ang teroristang NPA ang tanging dahilan kung bakit umano nananatiling nakalagak sa putikan ang lalawigan ng Samar.

Ilang buwan na lamang ay mag-eeleksyon na. Ito marahil ang isa sa kanilang paraan upang maghasik ng takot sa mga uring masang Pilipino upang guluhin ang karapatan ng bawat mamamayan na makadalo sa halalan at makapili ng kandidatong idinidikta ng kanilang puso at isipan.

Samantala, nagsasagawa na ng karampatang imbestigasyon ang kapulisan ng bayan ng Matuguinao upang mabigyan ng hustisya ang nangyaring pamamaslang. Nagpahayag naman ang 34IB ng anumang tulong para sa mabilis na ikalulutas ng kaso upang mapasa kamay ng batas ang mga teroristang ugat ng kaguluhan sa naturang lugar.