Monday, June 21, 2010

NPA at militar, muling nagkasagupa sa Negros Occidental

BACOLOD CITY - Tumagal ng 45 minutos ang sagupaan na nangyari sa pagitan ng mga rebeldeng New People's Army (NPA) at mga kasapi ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Negros Occidental.

Tinatayang 30 mga rebelde sa ilalim ng grupo na pinamumunuan ni Armando Sumayang alyas Ka Joas at Pao ang nakasagupa ng tropa ni 1Lt Richard Somoso ng 61st IB sa Sitio Banso at Sitio Omas, Barangay Camindangan, Sipalay City malapit sa boundary nito sa bayan ng Cauayan.

Nagsasagawa ng combat operation ang militar ng kanilang namataan ang mga rebelde na humantong sa palitan ng putok.

Wala namang may nasugatan o casualty sa panig ng militar ngunit pinaniniwalaan na may sugatan sa panig ng mga rebelde dahil sa nakitang mga bakas ng dugo sa encounter site.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang mga subersibong dokumento na pag-aari ng mga NPA at ilang personal na gamit.

Wednesday, June 2, 2010

2 NPA patay sa sagupaan sa Davao City

DAVAO CITY - Patay ang dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa sagupaan na naganap sa Barangay Manuel Guianga, Tugbok District, Davao City.
Napag-alaman ng Bombo Radyo Davao mula kay Maj. Manuel Garcia, taga-pagsalita ng 10th Infantry Diviison Philippine Army na unang nangyari ang engkwentro dakong ala 1:00 kaninang hapon.

Sinasabing patay kaagad ang dalawang mga rebelde.
Nabawi ng mga kasapi ng 69th IB Philippine Army ang isang night vision goggles, isang M16 armalite rifle, at isang improvised explosive device (IED).

Habang sinusulat ang balitang ito, ay patuloy naman manakanakang putukan sa lugar dala na rin ng pagtakas ng mga rebelde.

Malaki ang paniniwala ni Maj. Garcia na isang mataas na opisyal ng mga NPA ang posibleng nasugatan at hindi lamang maiwanan ng kanyang mga tauhan.

Ayon pa kay Garcia mga kumander lamang ng kilusan ang gumagamit ng mga kagamitang kagaya ng goggles at matataas na kalibre ng mga armas.

Si Leoncio Pitao, alyas Kumander Parago ng Pulang Bagani Command ng New People’s Army ang lider ang mga NPA na kumikilos sa mga lugar ng Tugbok, at Paquibato, Davao City.

Mga sundalo, tinangkang suhulan noong halalan - Maj. Gen. Sabban

Kinumpirma ngayon ng mismong pinuno ng Philippine Marines na may ilang local candidates ang nagtangkang suhulan ang kaniyang mga tauhan sa nakalipas na halalan.

Bagama't tumanggi si Maj. Gen. Juancho Sabban na tukuyin ang naturang mga politiko, pero inihayag nito ang ilang insidente kung saan nagtangka umano ang ilang kandidato partikular sa lalawigan ng Sulu para gamitin ang mga sundalo sa pandaraya.

Kaugnay nito, ipinagmalaki naman ng heneral na sa kabila ng alok na pera ay hindi umano nasilaw ang kaniyang mga tauhan.

Samantala, ipinauubaya naman ng Sabban sa Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang kaniyang mga ibinulgar na insidente.

'Hindi ako magkakapit-tuko sa puwesto' - AFP chief

Wala din umanong balak maging kapit-tuko sa puwesto si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Delfin Bangit sakaling opisyal ng uupong pangulo ng bansa si president-apparent Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III.

Ito ang naging reaksyon ngayon ni Bangit sa naging pahayag kahapon ng kampo ni Aquino na wala na umano itong balak na i-re-appoint pa ang kontrobersiyal ng heneral.

Ayon pa kay AFP public information office chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos, mayroon umanong "personal sentiment" si Bangit sa pagkakaladkad ng kaniyang pangalan sa mga political issues.

Gayunman, tiniyak ng tagapagsalita ng sandatahang lakas, na bilang isang prospesyonal na sundalo, kinikilala at patuloy umanong itinataguyod ni Bangit ang rule of law at ang Konstitusyon.

Sa kasalukuyan, iginiit naman ng AFP chief na nasa kaniya pa rin ang buong pagtitiwala ng kaniyang commander-in-chief na si outgoing President Gloria Arroyo.

Kasabay nito, tiniyak rin ni Burgos na hindi umano paapekto ang buong kasundaluhan sa mga kasalukuyang nangyayari sa larangan ng politika sa bansa.

'PGMA, walang ihahabol na bagong appointment'

Tiniyak ngayon ng Malacañang na wala ng kontrobersyal na kontrata o appointment na ihahabol ang Pangulong Gloria Arroyo sa natitirang 29 na araw nito sa puwesto.

Sinabi ngayon ni Press Undersecretary Rogelio Peyuan, naniniwala silang lahat ng mga kinakailangang appointments o proyekto ay naaprubahan na.

Ayon kay Peyuan, ang ginagawa na lamang nila ngayon ay monitoring sa mga nasimulang proyekto at pipiliting matapos bago ang June 30.

Pero binigyang-diin ng opisyal na hindi magiging lame-duck President si Ginang Arroyo sa nalalabi nitong araw sa Palasyo.

Magiging business as usual pa rin umano at patuloy na mag-iikot para magpasalamat at maihayag ang mga programa.

Kasabay nito, nagpaabot naman ng kalungkutan ang Palasyo dahil lagging batikos at pagpuna umano ang kanilang natatanggap at hindi man lang na-highlight ang mga magagandang proyekto ng administrasyon.

Partikular na tinukoy dito ni Peyuan ang mga naging iskolar sa TESDA at mga nabigyan ng trabaho.

Farewell message ni PGMA sa June 12?

Gugugulin na umano ni Pangulong Gloria Arroyo ang mga araw sa Malacañang para pasyalan ang mga proyektong nasimulan sa gobyerno.

Batay sa official countdown ng Malacañang, 29 na araw na lamang ang Pangulo sa puwesto.

Sinabi ngayon ni Press Undersecretary Rogelio Peyuan, sasamantalahin ng Pangulo ang pagkakataon para ipaliwanag ang mga proyekto at magpasalamat na rin sa taong bayan.

Ayon kay Peyuan, wala nang bagong kontrata o appointment na gagawin ang Pangulo at monitoring na lamang ang pagkakaabalahan sa natitirang araw ng termino.

Kasabay nito, nilinaw ng Palasyo na walang engrandeng farewell party na gagawin ang Pangulong Arroyo at inaasahang sa Independence Day na nito ibubuhos ang mensaheng nais iwan sa bansa.

Tuesday, June 1, 2010

Army tumulong sa "Brigada Eskwela"

Paglinis at pag repair ng mga eskwelahan ang atensyon ngayon ng Philippine Army para sa darating na pasukan sa pamamagitan ng pagtulong ng mga kasundaluhan ng 8ID at ng Cafgu.

Sinabi ni Lt. Col Armand Rico, spokesperson ng 8ID na ang nasabing Brigada Iskwela program ng Dep Ed ay tinatawag nilang Project kamag-aral.


Ang nasabing progarama ay pinagunahan ng kanilang Commander na si Maj. Gen Arethur Tabaquero, ito’y para sa malinis at marepair ang ilang mga public schools ng kanilang nasasakupan sa tulong narin ng parents, teachers at ng mga mag aaral.


Kung matatandaan, una ng naging progarama noong nakaraang buwan ng 8ID ang clean-up drive na tinatawag nilang Healthy, Orderly and Pollution Free Environment (HOPE) sa city ng Catbalogan at sa Brgy Maulong Catbalogan kung saan ito’y paglilinis ng mga kakalsahan at ng mga natitira pang mga posters noong nakaraang eliksyon, paglilinis ng mga kanal para sa darating na tag-ulan at paghahanda narin sa darating na pasukan.

P250-K cash assistance sa bawat pamilya ng mga namatay na sundalo sa Cam Sur

NAGA CITY - Magkahalong emosyon ang naramdaman ng pamilya ng mga namatay na sundalo sa lalawigan ng Camarines Sur nang tanggapin ng mga ito ang cash assistance na dala ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Umiiyak ang mga ito subalit naroon ang kaunting kasiyahan dahil sa tulong ng gobyerno na dumating sa kanila.

Tumanggap ng P250,000 cash ang bawat pamilya ng mga namatayan at P50,000 naman sa bawat isa na mga nasugatan.

Napag-alaman ng Bombo Radyo Naga na isa sa tumanggap ng naturang halaga ay si Edwin Britanico Sr., ang ama ni Pfc. Edwin Btritanico, na isa sa mga namatay sa pananambang.

Samantala, personal naman na tinanggap ni Pvt. Jerry Magdasoc, isa sa mga nasugatan ang halagang P50,000.

Sa kanyang talumpati sa harapan ng pamilya ng mga biktima, sinabi ni Gng. Arroyo ang kanyang labis na kalungkutang sa nangyari dahil namatay ang mga sundalong ito sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin.

Bago tuluyang umalis sa St. Martin Chapel, sa Camp Elias Angeles na kinabuburulan ng mga sundalo, nagkaroon ng closed door meeting ang pangulo sa ilang matataas na opisyal ng 9th Infantry Division upang talakayin ang seryosong usapin lalo na ang tuluyang pagpulbos sa mga rebelde sa rehiyong Bikol.

GRP-MILF peace talks, muling itutuloy sa susunod na linggo sa Malaysia

KORONADAL CITY - Kinumpirma ngayon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na muli silang magpupulong sa susunod na linggo sa Kuala Lumpur, Malaysia kasama ang Government of Republic of the Philippines (GRP) peace panel upang ipagpatuloy ang peace negotiations.

Sa pahayag ni MILF vice chairman for political affairs Gadzhali Jafaar nilinaw nito na tatalakayin sa naturang meeting ang proposal na interim agreement.

Kasabay nito, umaasa si Jaafar na malalagdaan na ng dalawang grupo ang hinahangad na interim agreement upang masolusyunan ang kaguluhan sa Mindanao.

Aminado si Jafaar na hindi umano madali ang pagpirma sa interim agreement at iba pang mahalagang bagay kung kaya't nararapat lamang aniyang busisiin ito ng husto.

Samantala, nilinaw din naman ni Jafaar na wala silang natatanggap na kumpirmasyon hinggil sa plano ng Arroyo administration na palitan ang Malaysia bilang facilitator sa peace talks.

Sinabi ni Jafaar, na agad silang magsagawa ng official meeting upang talakayin ang naturang kumakalat na balita.

Nauna ng binatikos ni MILF Secretariat Muhammad Ameen ang plano umano ni Presidential Adviser on the Peace Process Anabelle Abaya na palitan ang Malaysia bilang facilitator sa peace process.